Saturday, July 5, 2008

Mga Tala ng Paglipad



01

Hindi ko inaasahang mangyayari ito sa akin. Kanina lang pauwi na 'ko nang dumaloy ang malamig na ihip ng hangin sa gilid ng aking mga paa at unti-unting dinala ang buo kong katawan paangat. Kasabay ng panginginig ng aking mga binti ay iniwan ng talampakan ko ang lupa. Sa wakas, naganap na rin ang akala kong sa panaginip lang maaaring mangyari, lumipad ako.

02
Naalala ko pa, parang kailan lang ay naglalakad ako papuntang UP dahil sa wala akong pamasahe. Parang kailan lang, nahihirapan akong huminga dahil sa kapal ng usok sa kalsada. Parang kailan lang, puno ako ng problema, pero ngayon ang sarap ng pakiramdam ko dito sa taas. Malayo na 'ko sa mga maruming kalye, sa maiingay na kapitbahay, sa masungit kong landlady, sa mga maarte kong kaklase, sa mga terror kong prof, sa crush kong binasted ako. Malayo na 'ko ngayon sa kanilang lahat, malayo na 'ko sa dati kong buhay.
03
Ilang buwan na rin akong palipad-lipad sa buong kamaynilaan, nakakatuwang makita ang iba’t ibang eksena ng mga tao mula dito sa himpapawid. Halos lahat ng mga tao ay nagmamadali, ang tanging mabagal lamang ay ang mga taong nakapuwesto sa mga gilid ng kalye. Pero grabe, malala na nga talaga ang sitwasyon, puro problema at paghihirap ang nakikita ko. Kanina lang ay may nakita akong holdapan sa may gilid QC circle, isang estudyante ang ayaw ibigay ang cellphone nya kaya pinalo sya ng baril sa mukha. Tsk! Tsk! Buti na lang at hindi siya tinuluyan. Hay salamat na lang at kahit papaano, nakalayo na 'ko sa ganung buhay at ligtas na ko mula sa ganoong pagkakataon.
04
Anong nangyari kanina, ‘di ko inaasahang aabot na pala ng ganun kataas ang usok ng mga pabrika at sasakyan kaya nahilo akong bigla. Muntik pa kong tumama sa antenna ng isang building, buti na lang at nakaiwas akong bumangga dun. Siguro sa susunod, mas tataasan ko na lang ang paglipad. Ilang araw na rin akong minamalas, 'yung ibang taong nakakita sa akin ay gusto akong hulihin. ‘Di na rin ako masyadong makapagpahinga dahil sa wala akong masilungan. Hay, gutom na ko.
05
Medyo matagal na rin nang iwan ko ang dati kong buhay, sa ngayon ay nahihirapan na din ako sa ganitong sitwasyon. Masyadong mainit ang araw kaya nasunog na ang balat ko sa likod, parati na rin akong gutom ngayon dahil sa hirap maghanap ng makakain. Hindi ko na rin sigurado ang kaligtasan ko sa ngayon dahil ilang araw nang may mga taong naghahabol sa ‘kin para hulihin. Nami-miss ko na ang dati kong buhay at ang lungkot din dito sa taas. Akala ko ay maiiwasan ko ang mahirapan at masaktan, ‘di rin pala. Mali ang akala ko.
06
Bumaba na 'ko ngayon, sumayad na muli ang talampakan ko sa magaspang na kongkreto ng sidewalk at ngayon ko lang ulit naranasan ang maglakad. Nakita ko ang dati kong kaklase na nagjo-jogging sa acad oval. Nginitian nya ko at sumigaw ng “gudlak sa exam natin tom.” Pinuntahan ko ang dati kong boarding house sa UP at laking gulat ko na nakikilala pa 'ko ng dati kong landlady, dahil naipaalala nya ang nakabinbin ko pang utang. Naroon pa rin ang mga gamit ko sa kwarto na parang hindi ako nawala. Panaginip lang kaya ang lahat ng nangyari sa akin?
07Ilang araw pagkatapos kong bumalik sa dati kong buhay, masasabi kong hindi ito madali. Madalas, gipit pa rin ako sa pera, madalas, nagugutom pa rin ako at oo, wala pa rin akong lab layp. Pero siguro mas ok na rin ito, tutal nandito rin naman sa baba ang dahilan ng problema eh, mas mainam siguro na dito ko hanapin ang solusyon. Alam ko na mahihirapan ako at maaring masaktan sa pagsuong ko sa mga problema ko pero ayus lang yun, kailangan ko lang sigurong titigan ang problema sa mata at umasa na sa banding huli, meron ding mangyayaring maganda.

08
Kanina may nakita akong taong lumilipad…hehe, bababa din yun. :D  

No comments:

Post a Comment